
Isang open letter na para kay People’s champ Manny “Pacman” Pacquiao ang kumakalat sa lungsod ng General Santos at humihimok sa boksingero na huwag nang tumakbo sa pulitika.
Marami na ang kumukumbinse kay Pacquiao na huwag nang tumakbo sa pulitika kahit buo na ang desisyon nitong sumabak sa nalalapit na eleksiyon.
Ayon sa report, nakatanggap ang ABS-CBN ng isang petition letter mula sa isang grupong nagpakilalang concerned professionals at residente ng lungsod at humihimok kay Pacquiao na huwag na nitong ituloy ang kanyang planong pagtakbo bilang kongresista.
Bagamat walang pagkakakilanlan ang petition letter, pirmado naman ito ng 29 na katao.
Iginiit ng grupo na hindi nila minamaliit ang kakayahan ni Pacquiao subalit ikinabahala ng mga ito ang posibleng paggamit kay ‘Pacman’ ng ilang grupo para isulong ang kanilang pansariling interes.
“We do not underestimate your capability as a person. We, however, believe that a congressman should posses the appropriate education or training to enable him to survive in Congress, which is often described as a “snake pit,” ayon sa sulat.
Subalit malaki ang duda ni Pacquiao na pakana lamang ang sulat ng kanyang mga makakalaban sa pulitika.
Dagdag pa nito na kahit ano pa ang sabihin ng anumang sektor, hindi na mapipigilan ang people’s champ sa pagtakbo.
Todo-tanggi naman si General Santos Mayor Pedro Acharon sa akusasyong isa siya sa mga nagtulak ng open letter laban kay Pacquiao.
Sinabi ni Acharon, isa sa mga taga-suporta ni incumbent Rep. Darlene Antonino-Custodio, na hindi nila kailangan ng pakulo dahil kaya nilang tapatan ang pambato ng administrasyon.
Tumanggi rin ang mga negosyante na sila ang nagpakalat ng liham.
Sa kabila naman ng hindi pagtutol ng General Santos City Chamber of Commerce and Industry sa pagtakbo ni Pacquiao, payo nila sa kanya, tumulong na lang sana sa bayan bilang isang ordinaryong mamamayan.