Handa si People’s Champ Manny Pacquiao na bitiwan ang kanyang yumayabong na boxing career para makapaglingkod bilang kongresista sa South Cotabato.
Abala ngayon si Pacquiao sa pag-eensayo para sa kanyang laban sa Abril at pag-endorso sa kampanya kontra droga na isinusulong ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Naghahanda na din si Pacquiao na sumabak sa kampanya lalo’t inanunsyo na niya ang balak na pagtakbo bilang kongresista sa first district ng South Cotabato.
“Nais ko talagang makatulong sa mga kababayan ko. Dadalhin ko ang national government dito sa South Cotabato para umunlad ang lahat,” pahayag ni Pacquiao.
Makakabangga ni Pacquiao si incumbent Congresswoman Darlene Antonino-Custodio sa halalan.
Hindi natitinag ang boksingero kahit na maimpluwensya at kinikilalang pamilya sa General Santos City ang kanyang makakaharap.
Samantala, tutol ang ilan sa mga tagasuporta ni Pacquiao sa pagsabak niya sa pulitika.
Sa kabila nito, desidido pa rin si Pacquiao sa kahandaan nitong isakripisyo ang kanyang boxing career.
Tutulak na rin papuntang US si Pacquiao sa katapusan ng buwan para sa puspusang pag-eensayo sa napipintong laban.
Ang abogado na lamang niya ang bahalang mag-asikaso ng kanyang kandidatura habang wala siya.