
Tila desido na ang Filipino boxing champion na si Manny “Pacman” Pacquiao na kumandidato sa darating na halalan sa Mayo.
Ibinigay na tin ng kanyang ina ang suporta sa balak na pagkandidato ng boksingero matapos na magbantang maglalayas sa General Santos City sakaling kumandidato ang anak.
“Ngayon dahil iyan ang desisyon mo, wala na akong magagawa. Sinusuportahan ko na ang kagustuhan mo, Manny,” pahayag ni Aling Dionisia, ina ni Pacquiao.
Si Pacquiao ay inaalok ng Lakas-CMD na kumandidato bilang alkalde o di kaya ay kongresista.
Napag-alaman na tila desidido na si Pacquiao na tumakbo. Isa sa mga palatandaan ay ang pagbabalik-botante niya sa kanyang lungsod.
Base sa record ng Commission on Elections sa General Santos, Disyembre 19, 2006 nang magrehistro muli si Pacquiao.
Pangatlong lipat na ito ni Pacquiao. Sa General Santos siya orihinal na nakarehistro pero lumipat sa Kiamba, Sarangani province bago nagpalipat sa Maynila.
Subalit kahit pa maaari na siyang bumoto sa General Santos, hindi naman nangangahulugan na pwede na siyang kumandidato sa anumang lokal na posisyon doon.
“Ang tanong, pasok ba siya sa one year? Remember for purposes of voting you only need six months, but for purposes of seeking elective position you need one year,” sabi ni Chairman Benjamin Abalos ng COMELEC.