
Naghahanda nang dumagsa sa Maynila ang mga miembro ng international boxing media para sa nalalapit na pakikipagbakbakan ni “People’s Champ” Manny Pacquiao sa pambato ng Mexico na si Oscar Larios.
Pero bago ito, tampok muna ang laban nina Oscar dela Hoya at Ricardo Mayorga sa Las Vegas.
Ayon sa ulat, handa na ang Las Vegas para sa matagal ng inaabangang comeback ng isa sa mga superstar ng boxing si de la Hoya.
Makakaharap ni de la Hoya ang matador ng Nicaragua, si Mayorga para sa WBC superwelterweight belt.
Magdadalawang taon na buhat nang huling lumaban si de la Hoya kaya’t sabik ang boxing fans na mapanood ang tinatawag nilang “pretty boy” ng boxing.
Pagkatapos ng laban nina Pacquiao at Erik Morales noong Enero sa Las Vegas din ay ang laban ni de la Hoya at Mayorga ang pinakamalaking mangyayari sa mundo ng boxing. Pero kahit ito ang inaabangan nitong linggo, usap-usapan din sa boxing circles ang demolisyon ni Pacquiao kay Morales.
Gaya ng pananabik kay de la Hoya, gusto na rin nilang makita ulit in action ang destroyer ng Pilipinas — si Pacquiao.
Ayon kay Joe Tesitore, pinakakilalang boxing play-by-play announcer ng ESPN, si Pacquiao ang paborito ngayong panoorin ng boxing fans kaya’t ngayon pa lang ay sabik na sila sa susunod na sabak ni “Pacman” laban kay Larios
Dagdag ni Tesitore, nasa rurok ng kanyang boxing career si Pacquiao kaya’t kailangan alagaan niya ng husto ang laban.
Ang paalala niya kay Pacman, huwag maging kampante sa laban kay Larios.
Ganito rin ang pananaw ng isa pang kilalang ESPN boxing analyst na si Brian Kenny.
Malaki ang lamang ni Pacquiao kay Larios pero kailangang 100 percent pa rin ang preparasyon.
Para kay Kenny, nothing to lose si Larios sa laban kay Pacman at sa malaking pagkakataong naibigay sa kanya.