
Sumulat na si Manny Pacquiao sa isang university sa General Santos City para kumuha ng kursong political science.
Para sa presidente ng Notre Dame of Dadiangas University ang sulat ni “Pacman.” Isinaad niya doon na prayoridad pa rin niya ang boksing.
Kaya hiling niya sa unibersidad, kung maaari ay mapabilang siya sa Special Education Program para makapag-aral siya kahit hindi dumadalo sa regular na klase.
Nagawa na umano ito ni Cotabato Gov. Emmanuel Pi?ol sa isang university sa Cotabato.
Matatandaang noong Pebrero ay kumuha ng equivalency test si Pacquiao para sa kanyang high school diploma.
Samantala, nagkantyawan sina Pacquiao at Juan Manuel Marquez dahil sa kanilang inaasahang paghaharap sa ring.
Noong nakaraang buwan, inihayag ni World Boxing Council president Jose Sulaiman na si Pacquiao ang number one contender para sa super featherweight division.
Kahit may gusot sa kontrata ni “Pacman” sa Golden Boy at Top Rank Promotions sisiguraduhin ng WBC na matutuloy ang mandatory title defense ni Marquez kontra kay Pacquiao.
Noong isang linggo, sumulat ang kampo ni Pacquiao sa WBC at sinabing tinatanggihan ni Pacman ang title fight kay Marquez at dahil dito, tinawag siyang duwag ng Mexicano.
Pero sagot ni Pacquiao sa PhilBoxing.com, ayaw lang niyang gamitin ang mandatory defense para labanan si Marquez at hahamunin na lang ito ng sarili niyang offer.
Ayon sa patakaran ng WBC, sa isang mandatory defense, ang kampeon ay makakatanggap ng 75% ng fight purse o kita sa laban at 25% lang ang matititra sa challenger.
Sa kaso ni Pacquiao, siya ang mas sikat at mainit sa boxing fans, kaya’t di hamak na mas malaki dapat ang matatanggap niya kaysa kay Marquez.
Dagdag pa ni Pacquiao, si Marquez ang duwag at bakla kapag tinanggihan ang kanilang magiging counter offer.