Matapos ang mahabang parada nitong Miyerkules sumabak na sa unang araw ng kanyang kampanya si superfeatherweight champion Manny Pacquiao para sa kanyang kandidatura bilang kongresista.
Ang unang agenda niya: makipagkasundo muna sa kalaban nya sa pulitika.
Timeout muna si Pacquiao sa kampanya at sumugod sa city hall ng General Santos City para makipagpirmahan kay Rep. Darlene Antonino-Custodio ng isang manifesto para sa malinis na halalan.
Testigo nila sa pirmahan si Commissioner Romeo Brawner ng Commission on Elections (COMELEC) na dumayo pa sa General Santos para lang sa okasyon.
“We are giving all our efforts to just to give them peaceful election then we can really have peaceful elections,” ani Brawner.
“Parang sport lang. Boksing na pagkatapos ng sakitan, nag-aakapan at nagkakamayan,” ayon naman kay Pacquiao.
Gabi na nang makapiling ni Pacquiao ang pamilya niya at ginugol na lang ang oras sa pagsisimba.
Importante para kay Pacman na magpakumbaba at yumuko sa harap ng Panginoon para maiparating ang pasasalamat sa sobra-sobrang biyaya na binigay sa kanya.
Ito raw ang dahilan kaya ayaw nang pansinin ni Pacman ang mga batikos sa kanya na nagsulputan mula ng pumasok siya sa pulitika.