
Personalan na umano ang labanan nina Manny Pacquiao at Erik Morales, ang mga superstar ng 130-pound division sa boksing, sa pangatlo nilang pagtutuops sa Nobyembre.
Ito ang nabatid mula sa unang press conference ng mga boksingero sa Las Vegas noong Sabado (Linggo sa Maynila). Lahat ng dumalo sa press conference ay sabik na para sa muling pagtatagpo nina “El Terrible” at “Pacman.”
Para kay Morales, personal na raw sa kanya ang laban na ito dahil napahiya siya nang pabagsakin siya ni Manny noong huling engkwentro.
Si Pacquiao naman, handa para sa isang matinding laban mula sa Mexicano na determinadong makabawi.
Kasama ni Morales sa press conference sa Las Vegas ang kanyang asawa at anak.
Pero pagdating ng Setyembre, aakyat na siya sa mga bundok ng Mexico para sa seryosong training.
Ayon Morales, hindi pa sigurado kung ibabalik ang kanyang ama bilang coach.
Pero pinangako niyang pagtapos ng laban ang kanyang mga kamay ang nakataas at tatanghaling kampeon.
Si Pacquiao, dodoblehin pa ang training para mapatumba ulit si El Terrible.
Aabot sa 12 rounds ang laban at ito ang pinakamalaking premyo na makukuha ng dalawang boksingero.
“They are each guaranteed $3 million each and with the share in the profits? They will be making far more than $3 million,” ani Bob Arum, presidente ng Top Rank
Ang free TV rights para sa Pilipinas ay ibinigay rin ng Top Rank sa Manny Pacquiao Promotions. Pinili ng MPP na italaga ang broadcast rights na ito sa ABS-CBN.