
Dumaan sa Cebu nitong Sabado ang si “People’s Champion” Manny Pacquiao para magliwaliw umano bago tumulak sa Amerika para mag-ensayo sa nalalapit niyang laban kay Oscar Larios ng Mexico.
Sa airport pa lang ay dinumog na si Pacquiao ng kanyang mga tagahanga. Lahat sila, gustong magpakuha ng litrato at magpapirma sa idolo.
“Nagliwaliw lang…matagal-tagal na rin akong hindi nakapunta dito sa Cebu,” ani Pacquiao sa panayam ng TV Patrol.
Ang biyahe sa Cebu ay bahagi ng pagkokondisyon ni Pacquiao bago bumalik ng Los Angeles para mag-ensayo.
Gagamitin din niyang pagkakataon ang biyahe para bisitahin ang Armed Forces of the Philippines Central Command. Kamakailan ay hinirang si Pacquiao bilang reserve officer na may ranggong sarhento.
“Sundalo na ako ngayon eh…reserve…kaya moral support na sa kanila ‘yun,” aniya.
Sa kanyang pagdalaw sa Cebu ay nagpasalamat si Pacquiao sa mga taga-Visayas sa kanilang suporta sa kanya.
“Maraming salamat sa suporta n’yo mga taga-Cebu.. sana nama’y suportahan niyo ulit ako sa susunod kong laban sa Hulyo dos.”