
Tiwala ang coach ni boxing champ Manny Pacquiao na mapapatumba ng alaga ang Mehicanong makakalaban sa Hulyo 4 na si Oscar Larios sa loob lamang ng walong rounds.
Ayon kay Freddie Roach, bagaman mabigat ang kalaban ni Pacquiao tiwala siyang mapapatumba ito ng alaga sa pamamagitan ng masinsinang ensayo.
“There’s no such thing as an easy fight. When you take something lightly like that, that’s when bad things happen. So, we won’t make that mistake and Manny will have a very good workout and we’d be in the best shape we can be,” pahayag ni Roach.
Dumating kahapon si Roach upang kumpirmahin ang laban ni Pacquiao kay Larios.
Si Larios ay two-time super bantamweight world champion at inamin ni Pacquiao na mahihirapan siyang patumbahin ang Mehicano.
“Ang lakas nya yung straight nya, saka mahaba ang kamay, mahaba ang kamay ni Larios. Alam mo naman, ayaw kong kumuha ng laban na madali lang. Kasi ganun din yung ensayo eh na gagawin mo. So kailangan yung magagaling lahat para pagkatapos ng career ko, at least, kinalaban ko lahat ng magagaling,” ani Pacquiao.
Ani Pacquiao, nakatalaga siyang mag ensayo ng isang buwan sa Estados Unidos at isang buwan sa bansa.
Aniya, kailangan ang lubusang ensayo dahil nakataya ang karangalan ng bansa, lalo pa’t gagawin ito sa Pilipinas.
Maliban kay Pacquiao, lalaban rin sa undercards sina Gerry Pe?alosa, Boom-boom Bautista, at Randy Suico at tatlong Mehicanong boksingero.
ABS-CBN naman ang magdadala ng laban ni Pacquiao at Larios sa buong mundo.