Thursday, 24 September 2026 · Philippines RSS
PhilBoxing.com The Philippine Boxing Portal
Boxing

‘Pacman’ mapapalaban uli sa Mexican

ISANG dating world champion na may Mexican heritage ang muling makakasagupa ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa kanyang susunod na laban.

Si dating World Boxing Council (WBC) super-bantamweight champion Oscar Larios ang napi-ling makaharap ni ‘Pacman’ sa kanyang unang laban sa harap ng mga Filipino boxing fans sa loob ng dalawang taon.

Kinumpirma ng 27-anyos na si Pacquiao ang report kahapon mula sa Cebu, kung saan dumalo siya sa Charter Day rites.

Ang duelo na magsisilbing tune up ni Pacquiao para sa part 3 ng kanilang laban ni Mexican warrior Eric Morales ngayong taon ay itinakda sa May 20, bagama’t hindi pa napagpapasiyahan kung gaganapin ito sa open venue – sa Fort o sa indoor arena tulad ng Araneta Coliseum.

Kaugnay nito, sa unconfirmed reports ay napag-alaman na nagbanta si Shelly Finkel, ang American manager ni Pacquiao, na hindi itutuloy ang Pacquiao-Morales III fight kung igigiit ni Top Ranks’ Bob Arum na ang duelo ay paglalabanan sa 132 lbs.

Sinabi ni Finkel na kung hindi mareresolba ni Arum, ang promoter ni Morales, ang weight issue, mapipilitan ang Team Pacquiao na lumaban na lamang kay Marco Antonio Barrera.

Ayon pa kay Pacquiao, pinag-uusapan pa rin ang premyo at idinagdag niya na maaari niyang hilingin na idagdag ang insurance clause sa fight contract.

Si Pacquiao ay tumanggap ng $2 million sa kanyang huling laban kay Morales, na napagwagian niya sa pamamagitan ng sensational 10th round technical knockout win noong nakaraang buwan sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada.

Posibleng ang Home Box Office ang mag-cover ng Pacquiao-Larios fight, subalit hindi sa Pay-Per-View basis.

Kinokonsidera ni Finkel ang duelo kontra kay Larios bilang isang de kalidad na HBO fight at hindi lamang isang tune up.

Naniniwala rin si Gary Shaw, ang promoter ni Pacquiao, na si Larios, tubong Guadalajara, Mexico, ay isang mapanganib na katunggali, bagama’t inaasahan niyang magwawagi ang Filipino boxing icon, na aniya ay nasa pinakagamandang porma.

Bagama’t ang 29-anyos na Mexican ay galing sa nakagugulantang na third round loss laban kay Israel Vazquez, si Larios ay nag-iingat ng impresibong record na 56 panalo, apat na talo, isang draw at 36 knockouts.

Tinalo niya si Vazquez sa kanilang unang pagtutuos at namayani rin sa mga tulad nina Wayne McCullough, Nedal Hussein at Willie Jorin.

Sina Vazquez at McCullough nasa ilalim din ni Freddie Roach, ang American trainer ni Pacquiao.

Si Vazquez, ang reigning WBC super-bantamweight king, ay regular sparring mate ni Pacquiao sa Wild Card gym ni Roach sa Los Angeles, California.

More from PhilBoxing