Tuesday, 13 October 2026 · Philippines RSS
PhilBoxing.com The Philippine Boxing Portal
Boxing

Patalastas ng laban ni Pacquiao ipinatitigil

Hiniling ng United Opposition sa Commission on Elections na ipatigil ang mga advertisement, endorsement at documentary kaugnay sa nalalapit na laban ni Manny Pacquiao.

Ayon sa grupo, panlalamang daw ito sa karibal niya sa pagtakbo bilang kongresista sa South Cotabato.

Nitong Martes maagang nagpunta ang abogado ng United Opposition na si Sixto Brillantes sa COMELEC para ilakad ang petisyon laban kay Pacquiao na ngayon ay kandidato sa pagka-kongresista ng South Cotabato.

“Winarningan nga namin ang COMELEC na sabihan ang TV networks, radio, magazines at newspaper na itigil na yung advertising. [Ang] dami n’ya lumalabas [na commercials] endorsing many products. Under the new fair election law, maraming violations ‘yan,” ani Brillantes.

Bawal ang mga anunsyo o programa na hayagang pumapabor sa isang kandidato sa ilalim ng Fair Elections Act na ipinatutupad naman ng COMELEC Resolution 7767.

Bawal din ang mga documentary o programa tungkol sa buhay ng isang kandidato o hindi kaya ay nagtatampok sa isang kandidato.

“Masyado naman na-o-overexpose ‘yung kandidato at nagiging undue advantage sa opposition candidate na si Darlene (Antonino-Custodio), ‘wag naman paulit-ulit, labas nang labas pati buhay ni Pacquiao inuulit e campaign period na ngayon,” ani Brillantes.

Nilinaw ni Brillantes na hindi ang mismong laban ni Pacquiao ang pinipigilan nilang maipalabas kundi ang mga anunsyo at patalastas lang.

Sa katunayan daw, mismong si Custodio na makakalaban ni Pacquiao sa eleksyon ay gustong mapanood ang boksing at gustong manalo si Pacquiao.

Sa kabila ng paglilinaw ng oposisyon, hindi pa rin napigilan si Pacquiao sa pagsesentimyento.

“Nalulungkot ako na pati ang laban ko ay gusto nilang pigilan at ginagawa nilang personalan ang labanan,” ani Pacquiao.

Mula Los Angeles, inakusahan ni Pacquiao si Custodio ng pamemersonal at pagmamaniobra para matigil ang laban niya.

Agad namang tinalakay ng COMELEC en banc ang sulat-petisyon ng oposisyon.

Pag-aaralan pa ng komisyon kung dapat nga bang ipatigil ang mga advertisement ni Pacquiao.

Pero ngayon pa lang may paunang pahayag na ang COMELEC: “One thing sure we have to abide by the law. What is the law? A candidate should not be taking undue advantage of his opponent.”

More from PhilBoxing