|
|
|
Pigilan Ang Coal-Fired Power Plant sa Maasim PhilBoxing.com Thu, 24 Sep 2009 BAGUIO CITY — Good morning, good afternoon o good evening. Iyan po ang aking pagbati sa inyong lahat, mga ginigiliw kong kababayan, saan man kayo naroroon sa mundo. Tuloy pa rin po ang laban nating lahat. Sa aking pagbibilang, may 52 araw na lang ang nalalabi bago ako sumabak sa pinakamahirap kong hamon sa Nov. 14 kontra kay Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico at sa pagdating ng linggong ito, masasabi kong maganda na ang aking pakiramdam sa paghahanda. Kumpleto na ang Team Pacquiao dito sa Baguio at masaya ang training camp sa pangunguna ni Coach Freddie Roach at ng aking mga trainers. Pero kahit na ako po ay puspusang nag-eensayo para sa laban sa Las Vegas, hindi pa rin ako tumitigil sa pag-monitor ko sa ilang mga kaganapan sa bansa, lalung-lalo na sa aking bayan. Lubha akong nababagabag sa balitang magtatayo raw ng isang 20 megawatt na Coal-Fired Power Plant sa Maasim, sa Sarangani Province at ngayon pa lang ay ihinahayag ko ang aking pagtutol sa pagtatayo nito dahil na rin sa mapinsalang dulot ng ganitong uri ng power plant. Habang unti-unti nang itinitigil at isinasara ang ganitong uri ng mga power plant sa maraming bahagi ng mundo kabilang na ang United States dahil na rin sa masamang epekto nito sa kapaligiran, tayo naman ay tuluyan pa ring nagtatayo ng mga bagong planta. Nangako po ako, bilang Chairman ng Task Force Luwas Kinaiyahan sa buong Mindanao, na pangangalagaan ko ang lupang aking kinagisnan, ang lupang nagbigay sa akin ng lakas at ang kalikasan na bumubuhay sa ating lahat. Sumumpa ako na pangangalagaan ko ang mga karagatan at hindi ko pahihintulutan na dumihan ng sinuman ang hangin na ating nilalanghap. Sa pagtatayo ng Coal-Fired Power Plant na wala man lang pahintulot mula sa mga mamamayan ng Maasim, at sa panganib na idudulot nito sa lahat kontra sa interes ng iilang mga makapangyarihang pamilya, sasamahan ko ang mga grupo ng simbahan, mga lumad, mga katutubo, mga miyembro ng akademya, mga Muslim at mga youth upang tutulan ang pagtatayo ng plantang ito. Ayon sa pagsusuri, ang fossil-fueled power stations ang pangunahing pinanggagalingan ng mapinsalang greenhouse gases (GHG) na sumisira sa kapaligiran na nagdudulot ng global warming may 100 taon na ang nakakalipas. Dahil dito, ipinatitigil na ang operasyon ng ilan sa mga dambuhalang coal-fired power plant gaya ng 1,580 MW Mojave Power Station sa Laughlin, Nevada mula pa noong 2005. Ang pagsunog ng coal ay pangunahing sanhi rin ng acid rain at ang polusyon ng hangin na ating lalanghapin. Maraming mga iba pang pagmumulan ng kuryente na hindi naman makakapinsala sa kapaligiran at iyan ang dapat nating pagtuunan ng pansin. Ang solar energy ay isa sa mga malinis at mas mainam na panggagalingan ng enerhiya bukod pa sa ibang likas na pinagmumulan. Habang ako ay lumalaban para sa bayan sa bawat pagsabak ko sa ibabaw ng ring, ako rin ay lalaban para sa kinabukasan nating lahat at sa darating pang mga henerasyon. Sana, sama-sama tayong lahat sa panalangin para sa ating mga sarili. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |