|
|
|
Pagtitiwala at Respeto kay Boboy Fernandez PhilBoxing.com Thu, 19 Jun 2008 LOS ANGELES, CA ? Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan kahit na medyo masama ang panahon sa maraming bahagi ng mundo. Opo, medyo marami sa aking mga kaibigan ang may dinaramdam na sakit gaya ng ubo, sipon at lagnat dahil na rin siguro sa pag-iba ng panahon dito sa Los Angeles at sa ibang bahagi ng bansa. Isa sa mga tinamaan ng flu ay si "Coach" Freddie Roach may dalawang araw na ang nakakaraan, mula pa noong Lunes. Hindi na sumipot noong Martes si Coach at tuloy pa rin ang sparring para sa paghahanda ko laban kay David Diaz sa Hunyo 28 sa Mandalay Bay Resort Arena sa Las Vegas. Minabuti ni Coach Freddie na hindi na muna sumipot upang hindi niya mahawaan ang kung sino mang boksingero na kanyang tinuturuan, kasama na ako doon. Tama ang desisyon ni Coach at wala naman halos problema sa training. Mahaba pa naman ang panahon para sa kabuuan ng training at tiwala ako sa aking team kahit na wala pansamantala ang pinuno. Maganda pa rin ang takbo ng training kahit na na-miss namin ang pagkadalubhasa ni Coach Freddie sa pagbibigay ng instructions. Pero sa halip, si Buboy Fernandez ang humalinhin at pumuno sa lahat ng pagkukulang at kakulangan, kung mayroon man. Sa kabuuan, nakapagtala na kami ng 122 rounds sa sparring matapos mag-spar kami ng 10 noong Martes kontra sa tatlong sparring partners. Si Buboy din ang tumapos ng apat na rounds sa mitts at pinakita niya ang kanyang dunong at nalalaman. Kahit na medyo tumaba na si Boboy, malaki na ang improvement niya mula nang siya ay turuan ko na maging trainer mga 12 taon na ang nakakaraan. I remember forcing Buboy so that he could learn how to handle the mitts well in 1996. I took him from the streets of General Santos City and he learned everything from scratch in Manila. Nagsimula siya sa wala, ngayon, sa tingin ko, isa na siya sa pinakamagaling na trainer hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Buboy Fernandez doing the stretching routine on Manny Pacquiao during their training in Cebu for the Barrera fight last year. Marunong si Buboy na bumasa ng kalaban at talagang nag-aaral siya araw-araw para lalo siyang gumaling bilang isang trainer. Dalawa sila ni Coach Freddie na naghahanda ng plano upang maipanalo namin ang bawat laban at wala akong pangangamba na sila ang tagapangalaga ng aking buhay sa ibabaw ng ring. Matiyaga siyang nanonood ng tapes ng aking kalaban at tumuklas ng mga kahinaan ng kalaban. Kasama sila Nonoy Neri at Eric Brown, binibigyan ako ng mahahalagang pananaw ng mga Team Pacquiao members sa sparring at sa mitts at masasabi kong malaking bagay ang kanilang opinion. Kasama rin si Alex Ariza, ang aking conditioning coach sa magandang kondisyon na aking nadarama sa ngayon. Magana akong kumain, wala na rin ang sipon at ubo na aking naramdaman noong isang linggo. Sana, makaiwas ako sa mga taong may dalang virus at malusog ang aking isip, katawan at spirit sa pag-akyat ko sa itaas ng ring. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All! * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |